Black bone

Kahapon itinapak ko—sa marahil huling pagkakataon— ang paborito kong sapatos sa paborito kong lugar.  

Black bone, Vans. Madungis. Kupas na pagkakaitim. Kaliwa't kanang lumalaking siwang sa gilid. Laspag na mga swelas.  

At sa paborito kong lugar? Malawak. Madungis. Kupas na ang mga upuan. Kaliwa't kanan ang mga naglalakad at nag-iingay. At laspag na ang mga palikuran, ganito ang larawan ng Sintang Paaralan. 

Pero gaya sa lahat ng pagkakataon, hindi dapat hinuhusgahan ang isang bagay o tagpo sa kung papaano ito inilalarawan sa atin. Dahil lagi't lagi, alpas sa bawat pigura ng mga bagay-bagay ang pakiramdam na ipinapahiwatig, ipinadarama, at ibinabalik ng mga ito sa atin. Binili ko ang sapatos na ito sa isang tiange sa Riverbanks. Hindi yon original. Peke. Tanda kong binili ko pa yon Oktubre noong taong 2018. 

Pamasok sa school. Pares sa short. Sa maong. Sa slacks. Sa polo— plus shorts. Basta sa lahat. Minsan pinanglalaro ko rin kung sakaling mahaba ang vacant at magkaayan sa open court. Mumurahin lang, pero kasama ko sa lahat ng lugar. Sa paborito at hindi. Patunay na kapag mahal mo, minamahal mo, nagtatagal. Maliban sa soleslip at sa kaunting laba, papalag pa rin iyon. Kaya nga nagamit ko pa ito sa graduation practice namin kahapon. 

May mga bagay na kahit gaano ka-mahal ay nasisira ring agad. Mayroon ding murang madaling masira. Mahal na nagtatagal. At murang nagtatagal. Ang punto ay sa kung papaano natin binabalanse ang kalidad at ang ating sarili. Kung papaano natin inaalagaan ang mga bagay na mayroon tayo. At kung papaano natin pinipiling mahalin at alagaan ang mga bagay na ito alpas sa paraan o estado ng mga bagay-bagay na ito sa puntong mapunta ito sa atin. 

Pumili. Magmahal. Manatili. 





Mga Komento